MANILA, Philippines – Tinamaan ng kidlat ang kable ng Light Rail Transit (LRT) line 2 kaya nalimitahan ang biyahe nito kamakalawa ng gabi.
Ayon kay LRT Authority (LRTA) spokesman Hernando Cabrera, nadale ng kidlat ang power cable sa pagitan ng Pureza at Legarda stations bandang alas-6 ng gabi.
Naapektuhan ang operasyon ng mga tren mula Cubao hanggang Santolan station lamang at pabalik kung saan naabala ang mga pasahero sa kasagsagan pa naman ng malakas na buhos ng ulan.
Dakong alas-8:50 ng gabi nang maibalik ang power system hanggang sa V. Mapa Station kaya nakabiyahe na ang mga tren mula sa nasabing istasyon hanggang Santolan.
Bandang alas-2:40 naman ng madaling araw nang maibalik sa normal ang power system mula Recto hanggang V. Pureza kaya balik na rin ang full line operation ng LRT-2 kahapon ng madaling araw.