MANILA, Philippines – Inihayag ni Vice President Jejomar C. Binay na kung sakali na manalong presidente sa 2016 ay ipagpapatuloy niya ang Conditional Cash Transfer (CCT) program,subalit ito ay kanyang irereporma upang masiguro na makarating sa tunay na benepisaryo.
Sinabi pa ni Binay na ang CCT program ang siyang pinakamalaking bumubuhos ng pondo sa mga health centers at hospitals at iba pang pangangailangan tulad ng pagbili ng murang gamot, subalit hindi naman nito natutugunan ng local government unit ang pangangailangang medical ng mahihirap nilang constituent dahil sa kakulangan ng manpower at pasilidad dahil sa limitadong pananalapi.
“Nakakalungkot isipin,ilang dekada na ang nakakalipas ay may mga ospital pa rin na kulang sa kagamitan na kung saan ang mga pasyente ay namamatay na lang na hindi man lang nabigyan ng pangunahing lunas” wika ni Binay.
Sisiguraduhin ni Binay na kapag nanalong pangulo na ang lahat ng Filipino ay magkakaroon ng sapat na kalusugan upang malayo sa mga sakit at karamdaman.
Pero,ayon kay Binay na ang pinakamatagal at pinakamagaling na solusyon sa kahirapan ay mabigyan ng pamahalaan ng trabaho ang taumbayan.
“Upang magawa ito ay kailangan ng pamahalaan na maganyak ng maraming foreign investors sa Pilipinas upang ang bansa ay mas lalong maging “competitive business” at “investment destination” ,wika ni Binay.
Idinagdag pa ni Binay na balewala ang pag-unlad kung iilan lamang ang nakikinabang.Dapat ay kasalo ang lahat sa pag-unlad.
Ang dahilan ni Binay kaya’t nais niyang ipagpatuloy ang CCT dahil sa kanyang mahabang karanasan bilang isang local government na nagturo sa kanya ng kahalagan ng continuity, predictability, at sustainability.