Ginang hindi gumamit ng footbridge nasalpok ng trak

MANILA, Philippines – Idineklarang dead-on-arrival ang isang 31-anyos na ginang makaraang masalpok ito ng  trak nang hindi ito gumamit ng footbridge sa pagtawid sa EDSA, Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Ang nasawi ay kinilalang si Vanessa Salundaguit, may-asawa, at residente ng No. 19 G. De Jesus Street, Bagong Barrio ng naturang lungsod.

Naaresto ang tumakas na suspek na si Danilo Alvarado, 33, binata, driver ng Isuzu NKR truck (AAY-5690) at residente ng Malhacan, Meycauayan, Bulacan sa ilang minutong habulan.

Sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling araw ay tumatawid ang biktima sa EDSA malapit sa kanto ng F. Aguilar Street nang mabundol ng naturang trak na patungong Monumento.

Tinakasan naman ng suspek ang biktima nang paharurutin pa ang trak ngunit hinabol ito ng barangay tanod na si Primo Bonunza lulan ng tricycle at naaresto ito.

Show comments