MANILA, Philippines – Natagpuan na kahapon ang katawan ng dalawa sa tatlong taong iniulat na nawawala makaraang tangayin ng malakas na alon habang naliligo sa baybaying dagat sa bayan ng Candelaria, Zambales noong Lunes.
Sa ulat ni P/Inspector Bryan Christopher Baybayan, hepe ng pulisya positibong kinilala ng pamilya ang bangkay ni Joel Corpuz, 41, ng Purok Langka, Barangay Malabon, at ang mangingisdang si Ernesto Estella, 56.
Ang katawan ni Corpus ay nakita kahapon ng umaga na may isang kilometro ang layo mula sa pinagliguan nito, samantalang ang katawan ni Estella ay natagpuan naman ng mga kagawad ng Red Cross Rescue Team sa bahagi ng Barangay Longos, Sta. Cruz, Zambales na may 10 kilometro ang layo.
Pinaghahanap pa rin ang nawawalang si Jayson Torno, 8, pamangkin ni Corpuz.
Magugunita na noong Lunes ng alas-3:30 ng hapon ay nagkayakagang maligo sa dagat ang grupo nina Corpuz, ang step-daughter nitong si Janica Joy Torno, 6, at mga pamangking sina Christine Joy, 12; Jerico, 13 at Jayson, 8.
Sa gitna ng kasiyahan, isang malakas na alon ang tumangay sa grupo patungo sa malalim na bahagi ng dagat at masuwerteng nakabalik sa baybay sina Janica, Christine at Jerico, ngunit sina Corpuz at Jayson ay patuloy na tinangay ng alon.
Ang dalawa ay tinangkang tulungan ni Estrella na noon ay nangingisda sa lugar, ngunit ito man ay tinakluban ng malalaking alon at tinangay patungo sa malalim na bahagi.
Paliwanag pa ni Baybayan, ang lugar na pinagliguan ng mga biktima ay malapit sa bunganga ng ilog kung kaya malakas ang under water current dito na labis na mapanganib para sa mga naliligo.