MANILA, Philippines – Hindi umano patitinag si Justice Secretary Leila De Lima sa natatanggap na banta sa buhay at kanya pa ring ipagpapatuloy ang kanyang trabaho.
Ayon sa kampo ni De Lima, hindi natatakot ang kalihim sa mga banta sa kanyang buhay dahil naniniwala ito na nasa wastong landas siya at ginagawa lamang nito ang kanyang trabaho.
Hindi naman binanggit kung sa anong paraan ng pagbabanta ang ginamit pero nag-iingat na rin ang kampo ng kalihim dahil seryoso ang mga pagbabanta.
Nabatid na sunud-sunod ang natanggap na pagbabanta sa buhay ni De Lima matapos na lumutang ang umano’y pakikialam nito sa isyu ng Iglesia ni Cristo (INC).
Nabatid na iniimbestigahan ng DoJ ang reklamong illegal detention ng isang Isaias Samson, isang dating ministro ng INC laban naman sa Sanggunian ng INC.
Noong Huwebes, inilunsad ang pagkilos laban kay De Lima sa kanyang tanggapan sa Padre Faura sa Manila at nagtungo din ito sa EDSA Shrine na inaasahang sa Linggo pa magtatapos ang kanialng pagkilos laban sa kalihim.
Inaalam din ng pulisya kung may kinalaman ang pamamaril sa coffee shop ni ABS-CBN broadcaster Anthony Taberna nitong nakaraang Biyernes ng umaga dahil malapit na kamag-anak ito ni Samson. Si Taberna ay miyembro din ng INC.