Pasahero ng MRT inaresto sa ‘bomb joke’

MANILA, Philippines - Sa kulungan bumagsak ang isang pasahero ng MRT-Station 3 matapos itong magbiro na may sasabog na bomba sa dala niyang bag kamakalawa.

Ang inaresto ay kinilalang si Patrick Cabrera, 23, binata at residente sa Cavalier St., East Avenue, Quezon City.

Batay sa ulat, dakong alas-6:45 ng umaga ay may dalang bag si Cabrera at ito ay dumaan sa inspection ng mga sekyu na nakatalaga sa MRT-Station 3 sa  Quezon Avenue ay nagsabi ito sa sekyu na si Maida Cariño dahan dahan sa paghalungkat ng kanyang dalang bag dahil baka sumabog ang laman nito na bomba.

Nakaramdam ng takot ang guwardiya sa sinabi ni Cabrera sanhi para agad itong tumawag ng ibang kasamahan upang tulu­yang marekisa ang bag.

Negatibo sa bomba ang bag ni Cabrera at dahil sa kanyang biro ay inaresto siya at dinala sa naturang himpilan para sa kaukulang dispo­sisyon.

Nakatakdang patawan ng walong oras na community service sa MRT Station si Cabrera.

Show comments