Tsuper dedbol sa mag-uutol

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang tsuper ng jeep matapos na siya ay pagtulungang saksakin ng tatlong lalaki na magkakapatid sa isang inuman kahapon sa Las Piñas City.

Ang nasawi dahil sa tama ng saksak sa likod at dibdib ay kinilalang si  Jomar Catares, 47, binata, ng Pasong Buwaya 2, Barangay Ilaya, ng naturang lungsod.

Naaresto ang dalawa sa magkapatid na kinilalang sina Arlon Flores; Jimboy Flores habang pinaghahanap si Rolly Flores, pawang taga-Barangay Aldana ng lungsod.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-2:00 ng madaling araw sa #943 Tramo St., ng naturang barangay ay kainuman ng biktima ang mga kapatid na babae ng mga suspek na sina Marites  at Den Den nang dumating ang mga ito.

Kinompronta ng mga suspek ang biktima dahil sa matagal ng alitan hanggang sa nagkaroon ng komosyon ang mga ito na kung saan ay nakahagilap ng patalim ang magkakapatid at pinagtulungang saksakin ang biktima.

Nakaganti ng saksak ang biktima kay Jimboy kaya’t lalong pinag-initan ng mga suspek hanggang sa napuruhan ito.

Show comments