MANILA, Philippines - Iniulat ni PNP-Crime Laboratory Acting Director Sr. Supt. Emmanuel Aranas na base sa lumabas na pagsusuri na positibo sa oxalic acid ang mag-asawang natagpuang patay sa parking lot ng isang community mall sa Las Piñas noong gabi ng Hulyo 9.
Ang mag-asawa ay kinilalang sina Jose Maria Escano, 50, sales manager ng Raymed Pharmaceutical firm at Juliet Escano, 51, branch manager ng Security Bank.
“Toxicology examination conducted on the collected items and stomach contents of the victims gave positive result to the test for the presence of oxalic acid”, pahayag ni Aranas.
Sa proseso ng imbestigasyon na isinagawa ng SOCO Team ng Southern Police District (SPD) Crime Laboratory sa pamumuno ni Sr. Inspector Elena Medina, narekober ang isang plastic na bote ng Tropicana Juice, dalawang Gulp paper cups, isang transparent plastic cup (may suka ng mga biktima), dalawang kulay berdeng plastic straw, isang kulay itim na plastic trash bin at 35 piraso ng sari-saring mga resibo.
Inihayag ni Aranas na ang oxalic acid ay nakalalason, isang walang kulay na substance na hindi kaagad makikita kapag inihalo sa tubig o anumang inumin.
“About 10 µg/mL (micrograms per milliliter) of oxalic acid is considered dangerous amount. The average human body contains approximately four (4) liters of blood, therefore, it will only take about 40mg of oxalic acid to poison a human body which can potentially lead to a person’s death”, paliwanag pa ng opisyal.