MANILA, Philippines - Nagbigti ang isang 15-anyos na dalagita gamit ang kumot sa kanyang silid dahil sa matinding depresyon kamakalawa sa Brgy. 8, Malaybalay City, Bukidnon.
Ang nasawi ay kinilalang si Aira Jay Tendido , 1st year high school sa Mindanao Arts and Technological Institute (MATI).
Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi nang madiskubre ang pagpapakamatay ni Tendio sa bahay ng kaniyang lola na kanyang tinutuluyan habang pumapasok sa eskuwelahan sa lungsod.
Bago ito, ilang araw na umanong matamlay ang dalagita na huling nakitang buhay matapos itong manggaling sa basketball court.
Nagkulong sa kaniyang silid ang biktima at dakong alas-6:00 ng gabi nang katukin ng kaniyang inang si Ivy Tendido na dinalaw ang anak, subalit ayaw sumagot.
Napilitan ang mga kasambahay ng dalagita na sirain ang seradura ng pinto hanggang sa madiskubre ang pagpapatiwakal ng biktima.
Itinakbo pa sa Bukidnon Provincial Medical Center sa Malaybalay City ang biktima, subalit idineklara itong dead-on-arrival.