Kahinaan ng Pinas, sinamantala ng China

MANILA, Philippines - Naniniwala si dating Department of Interior and Local Government secretary Rafael Alunan III na sinamantala ng China ang pag-alis ng mga base militar ng Estados Unidos sa bansa kaya nasimulan at natuloy ang reclamation projects sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Alunan sa isang panayam na noong 1990s pa nila napansin ang masamang balak ng China sa karagatang sakop ng ating bansa.

“Sa isang technology conference na pinuntahan ko sa Estados Unidos sa unang bahagi ng Dekada Nobenta, ipinaliwanag ng mga lider Chinese ang kanilang ambisyon para mapabilang sa mga makapangyarihang bansa sa buong daigdig,” ani Alunan.

“Sa isang pulong naman sa Beijing na dinaluhan ko rin, natatandaan ko nang sabihin ng pamahalaang China na magsasagawa sila ng reklamasyon sa South China Sea partikular sa Mischief Reef para may magamit na silungan ang mga mangingisda nila ng tuwing may bagyo sa karagatan,” diin ni Alunan.

“Noon ko pa sinasabi na kailangan magpalakas tayo ng ating external defense pero walang ginawa ang mga sumunod na gobyerno.”

Hinala ni Alunan, ginamit lamang ng China ang nasabing mga pangyayari para sakupin ang bahagi ng karagatan na sakop ng ating Exclusive Economic Zone at matagal nang pinangingisdaan ng ating mga ninuno.

 

Show comments