MANILA, Philippines - Pinakakasuhan ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) kay Department of Justice Secretary Leila De Lima ang lahat ng mambabatas na sangkot sa pagkakaloob ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa kuwestiyonableng non-government organization na Kaloocan Assistance Council Inc. (KACI).
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, nakasuhan na ang mga nagbigay ng pondo sa KACI sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development na si dating Malabon-Navotas Rep. Alvin Sandoval, pero waring sinasadyang iligtas ni De Lima at ng Office of the Ombudsman si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na nagkaloob ng P5 milyon sa KACI noong senador ito.
Bukod kay Roxas, matagal na dapat nakasuhan sina dating Caloocan congressmen Oscar Malapitan at Luis Asistio at dating Quezon City Rep. Vincent Crisologo.
Ayon pa kay Pineda na si Malapitan ay sangkot umano sa maanomalyang paggamit ng P6 milyong pondo sa Disbursement Accelaration Program (DAP) para sa milk feeding project ng National Dairy Authority (NDA).
Nabatid na ang Commission on Audit (COA) mismo ang nag-ulat sa kuwestiyonableng transaksiyon ng KACI noong 2007 hanggang 2009.