MANILA, Philippines - Dalawang bihag na miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nakatakas habang nasa kasagsagan nang sagupaan sa pagitan ng Abu Sayyaf Group (ASG) at tropa ng militar na kung saan ay nasawi ang 15 bandido sa inilunsad na assault at rescue operation sa Indanan, Sulu.
Nabatid kay Col. Allan Arrojado, Commander ng Joint Task Group (JTG) Sulu, dakong alas-7:00 ng umaga nitong Huwebes nang marekober ng mga sundalo ang bihag na si SN2 Gringo Villaruz sa Brgy. Buanza at bandang alas-8:30 naman ng umaga si SN2 Rod Pagaling sa nasabi ring lugar.
Sinasabing nag-panik ang mga bandido sa paglusob ng tropa ng mga sundalo sa kanilang kuta upang iligtas ang mga hostages na nauwi sa umaatikabong bakbakan.
Inihayag naman ni Col. Noel Detoyato, Chief ng AFP Public Affairs Office, naglunsad ng assault at rescue operations ang mga sundalo upang sagipin ang nalalabi pang mga bihag dakong alas-5:25 ng hapon nitong Miyerkules. Na nauwi sa madugong bakbakan sa Brgy. Buanza, Indanan, Sulu na tumagal ng hanggang alas-7:00 ng gabi na ikinasawi ng 15 bandido na ang limang bangkay ay narekober habang ang iba naman ay binitbit at inilibing na ng kanilang mga nagsitakas na kasamahan matapos na paulanan ng kanyon ang kuta ng mga ito.
Nasa 100 ang grupo ng mga bandido na pinamumunuan nina Commander Yasser Igasan at Alhabsy Misaya na nakasagupa ng elite troops ng Army Scout Rangers at ng iba pang unit sa ilalim ng JTG Sulu pero sa kainitan ng bakbakan ay dumami ang mga kalaban na umabot ng 200.
Sina Villaruz at Pagaling ay kinidnap kasama si Brgy. Chairman Rodolfo Buligao ng mga bandidong Abu Sayyaf noong Mayo 4. Si Buligao ay pinugutan ng ulo ng mga bandido sa Maimbung, Sulu noong Agosto 11.