MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang miyembro ng Manila Police District matapos matakasan ng 28-anyos na presong Taiwanese na inireklamo ng large scale illegal recruitment sa bahagi ng Ermita, Maynila kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong Infidelity in the custody of prisoner, conniving with or consenting to evasion ang suspek na si PO2 Marlon Añonuevo kung saan nakapiit na ito sa Manila Police District Integrated Jail.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Arsenio Riparip ng MPD-General Assignment and Investigation Section, sinasabing high risk prisoner ang nakapugang si Michael Vincent Tan Co na gumagamit ng mga alyas Sam Jasper Wang at Bobby Wang, at nakatira sa #144 Leon Guinto Street, Malate, Maynila.
Si Co ay madakip sa isinagawang entrapment operation kamakalawa ng umaga matapos magreklamo ang mga biktimang sina Gary Herana, Wilmer Domingo, Jesus Natividad, at si Joey Andoy.
Ayon sa ulat, Si Co ay isasalang na sa inquest proceeding pero kailangang isailalim sa medical kung saan pinaangkas ni PO2 Añonuevo sa kanyang motorsiklo.
Subalit bumalik si PO2 Añonuevo sa himpilan ng pulisya upang i-report na nakatakas si Co matapos itong tumalon mula sa motorsiklo pagsapit sa bahagi ng Taft Avenue, sa Ermita.
Ipinag-utos na ni MPD Director P/Chief Supt. Rolando Nana na kasuhan si PO2 Añonuevo.