MANILA, Philippines - Lumabas sa resulta na positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na droga ang bus driver ng Valisno Express Bus na si George Pacis, 35 kaya’t sumalpok ang minamaneho nitong bus sa poste ng arko na ikinasawi ng apat katao at pagkasugat ng 18 iba pa noong Miyerkules ng umaga sa Quirino Highway, Quezon City.
Ito ang inihayag ni Senior Insp. Marlon Meman, hepe ng Quezon City Police District Traffic Sector 2, base sa lumabas na resulta sa drug test.
Kasalukuyan ay kinukumpleto na ang lahat ng dokumento para sa paghahain ng kaso sa tanggapan ng city prosecutor’s office sa city hall laban kay Pacis na nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical injuries at multiple homicide at paglabag sa article 275 ng revised penal code (abandoning a person in danger or one own’s victim) at paglabag sa Republic act no. 10586 o driving under the influence of dangerous drugs.
Si Pacis ay dinakip ng tropa ng TS-2 sa pamumuno ni Meman sa kanyang tinutuluyan sa San Jose Del Monte, Bulacan matapos na tumakas ito nang maganap ang aksidente.
Ayon kay Pacis, nagawa lang niyang tumakas dahil sa takot na kuyugin siya ng mga tao at wala siyang planong pagtaguan ang krimen at itinanggi na hindi mabilis ang kanyang pagpapatakbo nang sumalpok sa kongretong arko ng boundary ng Quezon City at Caloocan City sa Barangay Lagro.
Humingi si Pacis ng tawad sa mga kaanak ng ng mga nasawi at nasugatan sa aksidente.
Samantala, kinumpiska na ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng plaka ng Valisno Express Bus kahapon makaraang suspendihin ng 30 araw ang naturang bus company.
Niliwanag naman ni Atty. Ariel Inton, boardmember ng LTFRB na tatanggap ng P150,000 cash incentives sa ilalim ng Passenger Personal Accident Insurance program ang mga kaanak ng apat na namatay sa bus accident.
Dapat lamang na makapagpakita ng death certificate at police report ang mga kaanak ng nasawi sa insurance company na PAMI para makakuha ng insurance benefits.
Mayroon din umanong dagdag na ayuda ang mga biktima sa tanggapan ng bus company.