Alitan sa lupa: Kuya utas kay bunso

MANILA, Philippines - Isang 45-anyos na magsasaka ang walang awang inatado nang saksak at laslasin pa ang leeg ng kanyang nakababatang kapatid  dahil sa alitan sa lupa kamakalawa ng gabi sa Kadingilan, Bukidnon.

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Rogelio Hinonsalao, may-asawa. Habang ang suspek na kapatid nito na si Warlito, 39 ay boluntaryong sumuko sa pulisya.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen sa loob ng bahay ng biktima sa Brgy. Poblacion, Kadingilan, Bukidnon ay nagkaroon ang magkapatid ng  pagtatalo sa lupain na kanilang mamanahin sa magulang nang mauwi  sa pananaksak ng suspek sa kaniyang kuya.

Kahit nakabulagta na ang biktima ay muli itong nilapitan at nilaslas pa ang leeg. Ang suspek ay nakakulong na at kinasuhan ng parricide.

Show comments