MMDA nagpasaklolo sa PNP-HPG

MANILA, Philippines – Dahil sa kawalang galang ng mga moto­rista sa mga traffic enforcer, nagpasaklolo na ang Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) sa PNP-Highway Patrol Group kaugnay sa pagpapatupad ng batas-trapiko sa mga istratehikong lugar sa Kamaynilaan.

Inumpisahan ang MMDA-PNP-HPG Tambalan noong Biyernes na pinaniniwalaang maibabalik ang disiplina sa mga motorista dahil sa presensya ng mga pulis sa kalsada.

Karamihan sa insidente ay binubundol, kinakaladkad, at minumura ang mga traffic enforcer ng mga aroganteng moto­rista na nasisita kapag lumabag sa batas-trapiko.

Nabatid na gumawa ng paraan ang MMDA para makipag-ugnayan sa PNP kung saan napagbigyan naman ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez sa matagal nang nakabinbin nilang kahi­lingan.

Maliban sa mga abusadong motorista, inaasahan din na mababawasan ang krimen sa mga kalsada dulot ng mga holdaper at snatcher dahil sa presensya ng mga pulis.

Maging ang mga batang nambabato ng mga sasak­yan sa kahabaan ng EDSA at iba pang kalsada ay mapipigilan.

May ilang sektor naman ang nabahala sa pagbibigay ng authority sa mga tauhan ng PNP para maniket sa mga motorista na maaaring tumaas ang insidente ng pangongotong sa kalsada.

Show comments