MANILA, Philippines – Mula sa kategoryang severe tropical storm nitong Linggo, lumakas pa at naging ganap na typhoon ang bagyong papasok sa Philippine area of responsibility (PAR).
Sinabi ni PAGASA weather forecaster Glaiza Escular na huling namataan ang bagyong may international name na Soudelor sa layong 1,995 kilometer (km) sa silangan ng Luzon.
Taglay nito ang lakas na hangin na umaabot sa 210 km per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong umaabot hanggang 245 kph na sinasabing pinaka- malakas na bagyo sa buong mundo.
Inaasahang ngayong Miyerkules papasok sa PAR ang bagyo na tatawaging Hanna.
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall sa anumang bahagi ng bansa ang bagyo, asahan nang uulanin ang Mindanao at Visayas area ngayon.
Sakali namang makaapekto sa bansa, signal no. 2 na ang pinakamalakas na maaaring idulot ng bagyo sa extreme Northern Luzon.
Mararanasan sa Visayas ngayong Huwebes ang pinakamalakas na pag-ulan sa pagbaybay ng bagyo sa PAR habang uulanin din ang Katimugang Luzon pagsapit ng Huwebes at Biyernes.
Posibleng sa Huwebes maging makulimlim na sa Metro Manila at Biyernes naman makararanas ng mga pag-ulan hanggang Sabado.