MANILA, Philippines - Nadiskubre kamakalawa na may tama ng bala ang salaming bintana ng tanggapan ni Senador Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. na matatagpuan sa Sunset View Towers, Roxas Boulevard, Pasay City.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Pasay City Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tanggapan ni Marcos sa tama ng bala ng glass window nito.
Ang glass window ay eksaktong nakatapat sa receiving area, na dating ginagamit na desk ng Senado.
Hindi pumasok ang bala sa kuwarto dahil may metal plate na nakaharang sa salamin at durog-durog na tingga na lamang buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang na-recover.
Inaalam pa kung sinadya ang pamamaril o accidental firing lamang ito. Nabatid na bandang alas-3:00 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente at kahapon ng alas-10:30 ng umaga nang ito ay i-report sa pulisya.