MANILA, Philippines - “Totohanin ang bantang ipatigil ang operasyon ng illegal na sugal na jueteng sa bansa”.
Ito ang naging panawagan ang iba’t ibang non-governmental organizations (NGOs) sa pangunguna ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) kay PNP Director General Ricardo Marquez.
Sinabi ni 4K secretary general Rodel Pineda, dapat ipa-raid ni Marquez ang mga bolahan ng jueteng partikular sa Caloocan City lalo’t kamag-anak umano ni Mayor Oca Malapitan ang sinasabing nagpapatakbo umano ng lahat ng ilegal na sugal sa lungsod partikular ang sakla, drop ball, pula-puti, monte, tupada at iba pa.
Anila, nagtataka sila kung bakit binigyan ni DILG Secretary Mar Roxas ng Seal of Good Governance ang Caloocan gayong talamak ang sugal doon na pinangangasiwaan ng isang alyas ‘Tuka’.
Ayon naman kay Maximo Dagongdong ng Samahang Maralita ng Tala, ipinamamalita ni ‘Tuka’ na garapalan ang ilegal na sugal sa Caloocan at buong Metro Manila dahil fund raising iyon para sa pagtakbo ng isang opisyal sa pinakamataas na puwesto ng bansa.
Hiniling din nina Pineda at Dagongdong sa PNP na paimbestigahan ang sindikatong bumibili pa ng hindi naki-claim na bangkay sa mga punerarya para lamang pagsaklaan nang matagal sa lungsod.