MANILA, Philippines - Nasawi ang dalawang estudyante habang isa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang salpukin an motor siklo nila ng sports vehicle na pag-aari ng isang board member na pamangkin ni dating Pangulong Fidel Ramos sa kahabaan ng provincial road ng Brgy. Domampot, Asingan, Pangasinan kamakalawa.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Ryan Sison, 17-anyos, 4th year High School, at Manilyn Abellanida, 16, 3rd year high school.
Patuloy namang isinasalba ang buhay sa pagamutan ang isa pang backrider sa motorsiklo na si Leo Aquino, 16-anyos.
Batay sa ulat, dakong alas-10:15 ng umaga sa nasabing lugar nang salpukin ng kulay puting Ford Everest (SKA-823) ang kasalubong na Yamaha Mio motorcycle na minamaneho ni Sison.
Ang nasabing puting SUV ay natukoy na pag-aari ni Board Member Ranjit Shahani na dala ng driver nito sakay si Rogelio Cuyo, 38 at hindi naman lulan ang opisyal ng mangyari ang trahedya.
Sa lakas nang pagkakabangga ay tumilapon ang mga biktima.