MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ang pagpuga ng 14-menor-de-edad-na may mga kasong kriminal mula sa Manila Youth Reception Center (MYRC) noong Martes (Hulyo 21).
Nabatid na lumiham si Manila 5th District Councilor Ali Atienza at 2nd District Councilor Rod Lacsamana kay Department of Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman, Justice Secretary Leila de Lima at sa pamunuan ng pulisya kaugnay sa nasabing pagtakas ng 14-youth offenders na ang ilan ay naghihintay na lamang ng commitment order mula sa korte upang ilipat sa Manila City Jail dahil tutuntong na sa edad na 18.
Ayon sa ulat na natanggap ng dalawang konsehal, ang mga nakatakas ay may mga kasong robbery, murder at iligal na droga na pawang mabibigat ang parusa.
Dakong alauna ng madaling araw noong Martes nang pumuga ang mga kabataan matapos lagariin ang rehas na bakal sa detention facility.
Kabilang sa posibleng managot ang tumatayong house parents at mga miyembro ng city security force (CSF) na nagpabaya.