MANILA, Philippines - Ang mismong kapatid ng kasalukuyang punong ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Eduardo Manalo ang nagsiwalat ng katiwalian sa kapatiran.
Ayon kay Felix Nathaniel “Angel” Manalo, anak ng yumaong INC executive minister Eraño Manalo, umusbong ang mga anomalya simula nang maupo ang kanyang kapatid bilang punong ministro ng simbahan noong 2009.
“Binabago nila ang aral eh. Sa panahon po ng pamamahala ng kapatid na Felix Y. Manalo, hanggang sa panahon ng kapatid na Eraño Manalo, wala tayong nakikitang anomalya,” hayag ni Angel sa mga mamamahayag na nagtipon sa labas ng kanilang tahanan sa Tandang Sora, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Giit pa niya, “Bakit po sa panahon ngayon, mas napakarami na ng anomalya. Baka po sabihin ng iba, kinakalaban po namin ang aming kapatid na namamahala ngayon. Hindi po. Mahal po namin ang aming kapatid kaya lang po ang nagiging problema po namin ngayon ay ang mga nasa paligid niya. Nasira na po ang doktrina ng Iglesia ni Cristo.”
Idiniin din ni Angel pinagbabantaan sila ng Sanggunian ng INC.
Apela niya sa kapatid na si Eduardo, “Ang amin lang pakiusap, huwag siyang maniniwala sa Sanggunian na kanyang pinagkakatiwalaan sapagkat nauubos na ang abuloy ng Iglesia sa kung ano-anong proyekto na hindi naman kailangan.”
Partikular anya niyang ipinagtataka ang konstruksyon ng Philippine Arena na hindi naman alinsunod sa layon ng pagpapagawa ng mga kapilya.
Hinikayat din ni Ka Angel ang mga kapatiran na lumantad at patunayan na mayroong nangyayaring iregularidad sa Iglesia.
Pinabulaanan naman ni Angel na mayroong naganap na panghohostage sa kanilang tahanan matapos makita sa bintana ang mga mensaheng ukol dito.
Anya, mayroon lamang batang nagsabit ng mga mensahe kaugnay ng umano’y pag-hostage sa kanila maging ang pagkuwestiyon sa mga nawawalang ministro ng Iglesia.
Una na ring inihayag ng Quezon City Police District na walang pagdukot at hostage taking na naganap sa tahanan ng Pamilya Manalo.
Inamin naman ni Angel na hindi niya alam kung saan sila pupunta ng inang si Tenny Manalo matapos itiwalag ng INC dahil sa video na inilabas nila ukol sa umano’y banta sa kanilang buhay at pagdukot sa ilang ministro.
Agad naman pinabulaanan kahapon ni INC spokesman Edwil Zabala ang pahayag ni Angel at hindi umano nagkakawatak watak ang INC dahil lang sa itiniwalag ang mag-ina.
Sinabi din nito na walang krisis na nagaganap sa INC at ang desisyon na alisin sa sekta si Tenny at Angel ay hindi nakakaapekto sa paniniwala ng mga tagasunod ng INC.