Mayor Gatchalian, BFP et al pinakakasuhan sa Kentex fire tragedy

MANILA, Philippines - Dahil sa pagkasawi ng 72 katao sa naganap na pagkasunog ng bodega ng tsinelas sa Valenzuela City  ay pinakakasuhan ng Department of Justice sina Mayor Rexon Gatchalian,ilang opis­yal ng Bureau of Fire Protection(BFP), welding firm at may-ari  ng Kentex Manufacturing Corporation. 

Kasama rin sa pinakakasuhan ng DOJ  ang may-ari at mga kawani ng kumpanyang nagsagawa ng pagwe-welding na naging dahilan ng sunog.

Batay sa DOJ panel of prosecutors na nag-imbestiga at duminig sa kaso  na ibinatay nila sa mga nakalap na testimoniya, documentary evidence na galing sa mga investigating agencies ang pagsasampa ng kaso sa mga nabanggit.

Kabilang sa pinakakasuhan ng multiple homicide at ng multiple physical injuries alinsunod sa Article 365 ng Revised Penal Code ay sina Terrence King Ong, Kentex operations manager; Oscar Romero, kawani ng Ace Shutter Corp., ang kumpanya na nagsagawa ng welding sa Kentex; Wil­mer Arcenal, Ace Shutter Corp at  Rosalina Uy Ngo, ang may-ari  ng Ace Shutter Corp.

Ang mga manager, mga  opisyal at may-ari ng Kentex na sina Ong King Guan at Beato Ang, ay maaari ring idemanda sa sandaling  mapatunayan na sila ay may pagkukulang sa insidente.

Pangunahing pinakakasuhan ng  paglabag sa Section 11.2.a (4) at sa (5) ng  Republic Act 9514  ng Fire Code of the Philippines  ay sina: Mayor Gatchalian; Atty. Renchi May Padayao, officer-in-charge  ng Business Permit and Licensing Office (BPLO)  ng Valen­zuela City; Eduardo Carreon,  ang licensing officer IV  ng BPLO ng Valenzuela City

 Habang pinapanagot naman sa paglabag sa Section 11.2.a (1) and (8) ng  Fire Code sina: Fire Supt. Mel Jose Lagan, Valenzuela City Fire Marshal; F/Sr. Insp. Edgrover Oculam, chief of the Fire Safety Enforcement Section ng Valenzuela City Fire Station at  SFO2 Rolando Avendan, fire safety inspector  ng  Valenzuela City Fire Station

Inirekomenda rin na idemanda ng hiwalay na kaso ng paglabag sa Section 3 (3)  ng RA 3019 Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina  Gatchalian, Padayao, Carreon, Lagan, Oculam at Avendan.

 

Show comments