MANILA, Philippines - Ngayong Abril 1 ay umpisa na ang pagpapatupad ng ‘no registration, no travel’ policy ng Land Transportation Office (LTO).
Ipinaliwanag ni LTO Spokesperson Jason Salvador na nangangahulugang ang mga nagmamay-ari ng sasakyan, lalo na ang mga brand new, na hindi pa rehistrado ay bawal nang makabiyahe.
Ang rehistradong sasakyan ay mayroon nang Original Receipt (OR) at Certificate of Registration (CR) at may plaka na.
Ang mahuhuling lalabag ay maaaring magmulta ng P10,000 ang mismong vehicle owner habang P1,000 naman sa drayber.
Kung may maipiprisinta namang OR-CR, may multa lamang itong P5,000 dahil sa kabiguang maikabit ang plaka.
Una nang sinabi ng LTO na atrasado na ang pagpapatupad ng polisiya dahil Agosto 2014 pa nila ito pinlanong ilatag.
Dahil sa pakiusap ng mga dealer at manufacturer ay pinagbigyang iantala ang polisiya.
Matatandaang nagkaroon noon ng turuan kung nasaan na at bakit ang tagal mag-isyu ng bagong plaka.
Paliwanag ni Salvador, walang plaka ang ilang sasakyan ngayon dahil hindi pa rehistrado ang sasakyan. Ito’y posible dahil hindi pa inayos ng dealer ang papeles nito.
Pangalawa, walang plaka dahil hindi pa ito nakukuha ng dealers.
Maging ang mga mismong car owner na wala pang plaka ay sila na mismo ang lumapit sa LTO para kunin ito.
Payo ni Salvador, i-demand ang papeles sa dealer ng inyong sasakyan at bawiin ang processing fee na siningil para sa LTO registration.