6 ‘S’ na sakit ngayong tag-init

MANILA, Philippines - Dahil summer season na ay nagpayo ang Department of Health (DOH) sa publiko na  ­ingatan ang kanilang kalusugan lalo’t sabay-sabay ang  mga aktibidad tulad ng Holy Week, outing at fiesta.

Sinabi ni Health Secretary Janette Loreto-Garin na ngayong summer ay uso ang anim na sakit na nagsisimula sa letrang ‘S’ tulad ng Sore eyes, Sunburn, Sipon at ubo, Suka at tae, Sakit sa balat at Sakmal ng aso.

Anya, ang sore eyes o conjunctivitis, ay kaila­ngan  agad na maagapan dahil  maaaring mauwi ito sa pagkabulag bunsod ng irritation at dapat ugaliin ang paghuhugas ng  kamay.

Ang sunburn ay maiwasan kung gagawin ang  mga outdoor activities sa umaga at iwasan ang  direct exposure sa  araw mula alas-10:00 ng  umaga hanggang  alas-2:00 ng   hapon at makatutulong ang paggamit ng sunscreen  protection.

Huwag kalimutang  uminom ng  walo hanggang  12 baso ng tubig araw-araw upang maiwasan ang heat stroke.

Habang ang sipon at ubo  naman ay madaling makuha  kahit pa  summer months dahil na rin sa pabagu-bagong  panahon.

Dapat ding ma­ging maingat ang publiko upang maiwasan ang suka’t tae dahil sa pagkain ng mga panis na pagkain na madaling mabulok sa panahon ng tag-init kaya’t inaabisuhan na  ugaliin ang  oral rehydration salt  solution  upang maiwasan ang  pagtatae.

Ang sakit sa balat ay karaniwan din tuwing summer season kaya’t mas makabubuti kung uugaliin na maligo  ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw.

Ingatan din ang sarili sa sakmal ng aso  dahil na rin sa rabies at tiyaking may bakuna  ang  mga aso.

 

Show comments