MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 30-anyos na ginang matapos na ito ay barilin ng isang lalaki na nakaangkas sa motorsiklo kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Quirino Highway, Quezon City.
Ang nasawi ay kinilalang si Angela Aguas, 30, ng Saint Louis Compound 7, Pascual St., Brgy. Baesa sa lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-11:45 ng gabi ay naglalakad ang biktima kasama sina Dona Salvo at Michael Christopher Mendoza sa kahabaan ng Quirino highway kanto ng Argao st., ng naturang barangay nang biglang sumulpot mula sa likuran ang dalawang lalaki na nakamotorsiklo.
Bumunot ng baril ang nakaangkas at pinaputukan ang biktima sa ulo na agad nitong ikinamatay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo nang pamamaslang sa biktima.