MANILA, Philippines - Ibinasura ng Sandiganbayan ang kahilingan ni detained Senator Bong Revilla na pansamantalang makalabas ng kulungan para makadalo sa graduation ng anak ngayong Sabado, March 28.
Ipinaliwanag ng Sandiganbayan - 1st Division na hindi maituturing na “exceptional circumstance” ang kahilingan ni Revilla sa nais na pagdalo sa graduation ng anak na si Ma. Franzel Bautista ngayong Sabado sa Dela Salle Zobel sa Ayala Alabang Muntinlupa mula alas -2:00 ng hapon hanggang alas -7 ng gabi.
Ipinaliwanag ng Sandiganbayan, napayagan noon si Revilla na makalabas ng kulungan dahil itinuturing na “exceptional circumstances” ang ginawa nitong pagdalaw sa ospital sa anak na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla nang mabaril ang sarili.
Si Revilla ay muling nakiusap sa graft court na makalabas ng kulungan at makadalo sa graduation ng anak matapos na payagan kamakailan ng Sandiganbayan si Sen. Jinggoy Estrada na makadalo sa graduation din ng anak nito.
Si Estrada at Revilla na kapwa nakakulong sa Philippine National Police - Custodial Center ay pawang may kasong graft at plunder hinggil sa pork barrel scam.
Ang kaso ni Revilla ay nasa 1st division ng Sandiganbayan at ang kay Estrada ay nasa 5th division ng Sandiganbayan