MANILA, Philippines - Dalawa sa 247 kadeteng nagsipagtapos kahapon sa Philippine National Police Academy (PNPA) ay apo ni detinadong si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na akusado sa masaker ng 57-katao at ng puganteng si ex-Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari.
Ayon kay PNPA spokesperson P/Chief Supt. Ritchie Yatar, isa sa mga nagsipagtapos sa LAKANDULA (Lahing Kayumanggi na Handang Ialay sa Bayan ang Dugo at Lakas) Class 2015 ay si Cadet 1st Class Andal Ampatuan III.
Si Cadet 1st Class Ampatuaan ay apo ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na nililitis ng batas kaugnay ng karumal-dumal na masaker ng 57-katao kabilang ang 32-mediamen noong Nobyembre 23, 2009.
Isa rin sa mga nagsipagtapos ay si Cadet 1st Class Mohammadizar Misuari, apo ni puganteng si ex-Moro National Liberation Front (MNLF) na itinuturong mastermind sa Zamboanga siege noong Setyembre 2013.
Kaugnay nito, inihayag ni Yatar na isa sa mga kadete ay nabigo namang makasama sa graduation ceremony dahil sa paglabag sa Class No. 1 violation kaugnay ng mahigpit na regulasyon ng akademya.
Gayon pa man, tumanggi naman si Yatar na tukuyin ang pangalan ng nasabing kadete na ngayo’y pinagdudusahan na ang parusang ipinataw ng PNPA.
Ayon kay Yatar ipinagpaliban muna ang pagtatapos ng nasabing kadete sa susunod na buwan ng Abril dahil kailangan muna nitong pagsilbihan ang kaniyang paglabag sa regulasyon ng PNPA.
Inihayag naman ni Yatar na mahigpit sila sa Honor Code at kabilang sa nangungunang paglabag sa regulasyon ay ang paggamit ng cellular phone sa classroom, absence without official leave (AWOL) , insubordination at palaging huli sa klase.?
Samantala, sa kabuuang 247 nagsipagtapos na kadete ay 225 ang papasok sa PNP, 11 sa Bureau of Fire Protection at sampu naman sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).