Ginang todas sa gulpi ng 3 kapitbahay

MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang ginang habang nasa grabeng kalagayan ang 17-anyos nitong anak na dalaga matapos na sila ay gulpihin ng tatlong miyembro ng pamilya kamakalawa sa Brgy. Bagania, Tabina, Zamboanga del Sur.

Ang nasawi dahil sa mga tinamong sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Carmelina Vargas.

Nilalapatan naman ng  lunas ang anak nitong dalaga na si Glory Jean  na nagtamo ng mga kagat sa likod  at mga sugat sa kaniyang katawan.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-4:50 ng madaling araw sa nasabing lugar ay sinugod ng mga suspek na sina Jose Albia,  47; misis nitong si Natividad Albia, 44; at kanilang anak na si Joemar Albia, 24 ang bahay ng mag-ina.

Kinuyog ang mag-ina na noo’y kagigising lamang at pinaghahampas ng matigas na bagay saka pinagsasaktan kabilang ang paninipa, pananampal, pananabunot at pang-uumbag sa mga ito.

Sa tindi ng tinamong mga sugat  at galos sa katawan  kabilang na ang pag-umbag sa ulo ay agad binawian ng buhay sa insidente ang ginang.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago ang pagsu­god ay nakaaway muna ng biktima ang babaeng suspek at sumama ang mag-ama para gulpihin ang mag-ina.

Nasakote ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang mga suspek  na kinasuhan ng kriminal.

Show comments