MANILA, Philippines – Sinapak ng isang bagitong pulis ang isang aplikante sa pagpupulis na kanyang kababata naganap kamakailan sa Tondo, Maynila.
Inireklamo ng biktima na si Jonathan Stanly, 26, aplikante sa kasalukuyang recruitment ng Philippine National Police (PNP) at residente ng1631 Interior 15, F. Varona St., Tondo ang kababatang si PO1 Mark Gonzales na nakatalaga sa MPD-station 1.
Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng hapon noong Marso 20 ay nakasalubong ng biktima si PO1 Gonzales sa Dandan St., nang lapitan at sapakin siya sa mukha.
Hinala ng biktima na nag-ugat ang pananapak ng suspek sa kanya ay nang pagbintangan siya ng nasabing huli na nagtext noong Maro 5 na nananakot at nanghihingi ng ransom.
Ayon pa sa biktima na matagal na siyang umiiwas sa suspek at nagsasalita pa umano ito na haharangin ang kaniyang papel upang hindi matanggap sa pagpupulis.
Nakatakdang magharap ang dalawa sa piskalya kung itutuloy ng biktima ang pagharap ng kaso sa pulis.