MANILA, Philippines - Sinuportahan ng mga kawani ng Makati City Hall at opisyales ng barangay si Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay at nanawagan na pairalin ang rule of law upang sa ganun ay maging normal na ang pagseserbisyo ng City Hall sa mamamayan.
Nagsagawa din ng rally ang mga lider ng barangay at nagpakita ng manifesto ng solidong pagsuporta kay Binay bilang tunay na mayor ng lungsod.
Batay sa manifesto ng mga barangay opisyal na sila ay nananawagan sa pamunuan ng Department of the Interior and Local Government, Department of Justice at Office of the Ombudsman na igalang at respetuhin ang inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) at hinikayat ang nasabing mga ahensiya na magsampa ng anumang reklamo sa akma at mapagkakatiwalaang korte.
Samantala, nagsuot naman ng itim na t-shirt ang libong kawani ng city hall na nagtipon sa City Hall quadrangle upang ipahayag ang kanilang mga sentimyento sa nagaganap na tension kaya’t hindi sila makapagtrabaho nang maayos dahil sa katigasan ng DILG na tanggapin ang inilabas na TRO ng CA.
“Kami ay umaapela sa DILG at Ombudsman na itigil na ang bullying sa aming Mayor at sundin ang inilabas na utos ng CA. Nakikiusap kami na ipagpaliban ang personal interests at ambisyon alang-alang sa nakakarami lalo na ang mga residente ng Makati City. Huwag kayong manatiling bingi sa payo ng inyong mga abogado at mambabatas at mga constitutional expert at sundin ang TRO”, pahayag ng mga kawani.
Ikinababahala din ng mga kawani ng City Hall ang posibilidad na pagkabalam ng kanilang sahod dahil sa ipinayahag ng DILG nang ito ay nagpadala ng sulat sa mga bangko na ang kikilalanin na mayor ay si Vice Mayor Kid Peña bilang authorized signatory sa pagpapalabas ng pondo.