Dalaga ginahasa ng apat na araw ng kaibigan

MANILA, Philippines - Hindi sukat akalain ng isang 20-anyos na dalaga na ang itinuturing niyang kaibigan ang sisira sa kanyang kinabukasan nang  siya ay gahasain ng apat na araw sa isang bahay sa Mapulang Lupa, Valenzuela City.

Sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang Pamela na bago ang insidente ay kasama niya sa pamamasyal ang suspek na si Ibrahim Giama, alyas “Kacko”, 23, ng Block 15, Baseco sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila noong Marso 15.

Nang papauwi na sila ay sinabi ng suspek na ihahatid na siya, subalit hindi pa umano sila umuwi at niyaya pa siya na mag-stroll pa sa kalapit na lugar hanggang sa hindi na namalayan ng biktima na may pinaamoy sa kaniya ang suspek at nakatulog siya.

Nang magising ay nakatali na siya sa loob ng isang madilim na bahay kung saan siya paulit-ulit na ginagahasa habang nakagapos ang kanyang mga kamay.

Sa ikatlong araw ay nakatiyempo siyang tulog ang suspek at nakuha niya ang cellphone nito at tinext ang isang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanya.

Humingi ng tulong sa pulisya ang  kaibigan ng biktima at natunton ang bahay nito kahapon alas-12:59 ng madaling araw at nailigtas ito at dinakip ang suspek.

Show comments