MANILA, Philippines – Inihayag ni PNP-Board of Inquiry (BOI) Chairman P/Director Benjamin Magalong na nasaktan si Pangulong Noynoy Aquino sa ipinalabas nilang resulta ng imbestigasyon sa Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 SAF troopers noong Enero 25 matapos siyang ipatawag noong Martes sa palasyo ng Malacañang kasama si PNP OIC P/Deputy Director General Leonardo Espina.
Ibinulalas umano ni P-Noy ang sama ng loob at nagtanong din kung bakit hindi siya nabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag sa isyu.
“ It was a straight forward, cordial and a very professional discussion, naramdaman ko yun nasaktan siya (President) sa aming report, sino ba naman ang hindi masasaktan” ani Magalong kung saan tinanong din umano siya ni P-Noy kung bakit sa resulta ng imbestigasyon ng BOI ay inakusahan siya ng paglabag sa Chain of Command ng PNP.
Kasama rin sa pag-uusap si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na nasa pagpupulong kasama ang mga miyembro ng PNP-BOI na sina Directors Catalino Rodriguez at John Sosito.
Ayon kay Magalong na ipinaliwanag niya kay P-Noy na hindi sinisisi ng PNP-BOI ang Pangulo sa pananagutan nito sa ‘Mamasapano clash’ sa pagkasawi ng SAF 44 manapa’y tinutukoy lamang sa resulta ng report na na-bypass ang Chain of Command ng PNP.
“It’s too unfortunate, we will never given a chance na ma-interview si President”, pag-amin pa ni Magalong kung saan sinabi nito na nakalimutan niyang paalalahanan si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na sabihin kay P-Noy na kailangan ang affidavit nito para matapos na ang imbestigasyon ng PNP-BOI.
“ The Chain of Command was violated by the President, Purisima (suspended PNP Chief Director General Alan Purisima at SAF Director Getulio Napeñas they kept the information to themselves and deliberately failed to inform Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina and Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, paglalahad sa BOI report.
Magugunita na sinabi mismo ni Magalong na isa si P-Noy sa hindi tumugon sa kanilang imbestigasyon na makapanayam o mahingan ng salaysay para makumpleto na ang kanilang isinagawang imbestigasyon sa naganap na Mamasapano encounter.