MANILA, Philippines - Maglabas agad ng ebidensiya ng mga kumakalat na ulat na maraming mga doble at pekeng pirma sa petisyon na isinampa.
Ito ang naging hamon ng mga recall election petitioners sa kampo ni Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado kung may kalokohang ginawa para dito.
Ayon kay Perlita Mendoza, main petitioner na kung mayroong tinatago ay hindi na nila ipaglalaban na ituloy ang beripikasyon ng mga pirma.
Sinabi pa ni Mendoza na kung kumbinsido si Alvarado na mayroong peke sa mga pirma ay bakit hinaharang niya ang beripikasyon na itinakda sana noong Marso 9 kaya’t naglabas ng TRO ang Regional Trial Court sa pamamagitan ni Judge Guillermo Agloro matapos na magpetisyon si Alvarado.
Idinagdag pa ni Mendoza na ang kampo ni Alvarado ang dapat na maraming ipaliwanag dahil sa pananakot nila sa mga pumirma at sapilitang pagpapapirma ng affidavit upang bawiin lang ang pirma.
Bukod dito na hanggang sa kasalukuyan ay walang isinasapublikong paliwanag si Alvarado sa mga taga-Bulacan tungkol sa umano’y sari-saring kaso ng katiwalian na kinakaharap nito sa Ombudsman.
Upang matapos na ang usapan at awatan ay hinamon ni Mendoza si Alvarado na huwag nang pigilan sa anumang paraan ang recall election laban sa gobernador.