School principal pinabulagta

MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 51-anyos na school principal nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo kahapon ng umaga sa highway ng Brgy. Malabanoy, San Juan, Batangas.

Ang nasawi ay kinilalang si Florencio Ilao, principal sa Palahanan National High School at residente ng Kaunlaran Homes Subdivision, Brgy. Buhay-na-sapa, San Juan, Batangas.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-6:30 ng umaga ay lulan ang biktima ng pampasaherong jeepney (DKU -818) para pumasok sa eskuwelahan.

Nang huminto ang jeep para magbaba ng pasahero ay may biglang dumikit sa bintana sa kaliwang bahagi ng behikulo ang kulay pulang Honda TMX na walang plaka  na sinasakyan ng mga suspek at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang biktima ng bala sa ulo, dibdib at likurang bahagi ng katawan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo  sa direksyon ng Brgy. Buhay-na-sapa.

Show comments