MANILA, Philippines - Walang pakialam ang isang mister kung ipinagdiriwang ngayon ang Buwan ng Kababaihan matapos niyang gulpihin, igapos at kalbuhin ang kanyang misis nang sila ay magtalo kahapon ng hapon sa Marikina City.
Ang biktima na nagsampa ng kaso ay kinilalang si Analyn Samson, 42, ng #48 M.
Sella St., Brgy. Parang laban sa mister nitong si Danilo, 46, construction worker.
Batay sa reklamo ng ginang, dakong alas-2:30 ng hapon ay kinompronta siya ng mister at umano ay nagseselos ito sa nababalitaan na siya ay may ibang lalake.
Pinabulaanan ng biktima ang bintang ng mister na nauwi sa pagtatalo hanggang saktan ang una bago tinalian ang paa’t kamay nito ng electrical at packing tape bago kumuha ng gunting at kinalbo.
Narinig ng mga kapitbahay ang kaguluhan ng mag-asawa kaya’t humingi ito ng tulong sa mga otoridad na agad rumesponde at inaresto ang mister na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9262 na Anti-Violence Against Women.