Singil sa kuryente bababa at tataas

MANILA, Philippines - Mistulang spaghetti na bababa at tataas ang singil ng Manila Electric Company (Meralco).

Ito ang inianunsyo ng pamunuan dahil sa bababa ng 10 sentimo kada kilowatt hour (kWh)  ang singil sa kuryente ngayong Marso, subalit tataas naman sa Abril at Mayo.

Sinabi ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, bumaba ang generation charge ng mga Independent Power Producers (IPP) kaya sila magbaba ng singil sa kuryente.

Ang mga kumokunsumo 200-kWh kada buwan ay bababa ng P19 ang kanilang bill, ang mga nakakagamit ng 300-kWh ay bababa ng P28; P37 ang gumagamit ng 400-kWh at P47 naman ang naka­kagamit ng 500-kWh.

Subalit, sa buwan ng Abril at Mayo ay tataas naman ang singil sa kuryente dahil sa maintenance shutdown ng Malampaya Power plant.

Iginiit pa ni Zaldarriaga na hindi naman sa Meralco mapupunta ang inaasahang dagdag singil sa halip ay sa diretso ito sa mga Independent Power Producer.

Isa pang dahilan umano na kaya tataas ang singil sa kuryente sa susunod na buwan ay bunsod ng pagtaas ng presyuhan ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at inaasahang paglobo ng demand sa kuryente dahil sa panahon ng tag-init.

 

Show comments