MANILA, Philippines - Nakakulong ngayon ang isang 34-anyos na lalaki nang maaresto ng mga otoridad sa isinagawang entrapment operation dahil sa pangongotong sa kanyang naging kasintahan kapalit ang hindi pagbubunyag ng una ng kanila umanong pagtatalik sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 2, nakilala ang suspect na si Jungie Banico, 34, may-asawa, technical supervisor at residente sa #3125 Jenny’s Avenue, Brgy. Rosario Pasig City.
Inaresto ang suspek base sa reklamo ng isang alyas Nenita, 30, government employee at residente ng Brgy. San Roque, Antipolo City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, isinagawa ang entrapment operation sa gilid ng Dunkin Donut na matatagpuan sa 2nd Level ng Fishermall, Brgy. Sta Cruz, ganap na alas-8 Huwebes ng gabi.
Nabatid na nagkakilala lang sa networking site ang biktima at suspek at noong Pebrero 28, 2015 ay naipagkaloob ng biktima ang sarili. Ngunit lumaon ay tinanggihan na ng biktima ang suspek na ikinagalit naman nito. Nagbanta na umano ang suspek na ibubunyag niya ang kanilang pagtatalik lalo na kung hindi magbibigay ng P3,000.
Kasong robbery (Extortion) ang isinampang kaso kinakaharap ngayon ng suspect.