Lider ng carnap group tigok

MANILA, Philippines - Napatay ang isang mi­yembro ng carnapping Syndicate ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa engkuwentro, kahapon ng hapon sa lungsod.

 Kinilala ng pulisya  ang napaslang na si Jesus Betsaida, alyas “Isong”, lider ng grupong Betshaida robbery-carnapping group na responsable sa serye ng panghoholdap at carnapping ng mga taxi.

 Sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Anti-Carnapping group ng Caloocan Police North Extension Office sa Phase 9 sa Brgy.  Bagong Silang dakong alas-12:10 ng gabi makaraang makatanggap ng impormasyon ukol sa presensya ni Betshaida sa lugar.

 Nabatid na tatlong taxi operators ang kumilala kay Betshaida na siyang tumangay sa kanilang mga taxi na pawang natagpuan sa hideout ng sindikato sa Brgy. Bagong Silang na mga chop-chop na.  Karaniwang unang hoholdapin ng grupo ni Betshaida ang biktimang taxi driver at saka tatangayin ang sasakyan. Ibinibenta naman ang chop-chop na bahagi ng taxi sa mga buyer na walang alam na nakaw ang mga ito.

 Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang ibang miyembro ng grupo ni Betshaida upang madakip ang mga ito.

Show comments