MANILA, Philippines – Hinoldap ng anim na kalalakihan na magkakaangkas sa tatlong motorsiklo ang payroll money ng isang kumpanya na bagong withdraw sa bangko kamakailan sa Valenzuela City.
Batay sa naantalang ulat, dakong alas-3:45 ng hapon noong Biyernes nang harangin ng tatlong motorsiklo na lulan ng dalawang katao ang Toyota Innova (TQA-190) na kinalululanan ng mga kawani ng Cellpak Packaging Industries na pag-aari ng isang Neil Adrian Sison pagdating sa Trinidad St., Victoria Village, Brgy. Canumay East, ng lungsod.
Nabatid na kagagaling lamang sa isang bangko sa may General Luis Street sa Brgy. Paso de Blas ang mga biktima matapos na mag-withdraw ng hindi mabatid na halaga ng perang pampasweldo.
Nagawang buksan ng mga salarin ang pinto ng sasakyan at tangayin ang bag na naglalaman ng pera ng kumpanya at maging ang cellular phone ng mga sakay na walang nagawa sa takot na barilin sila ng mga suspek na mabilis na nagsitakas lulan ng kanilang mga motorsiklo.