MANILA, Philippines – Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 24-anyos na lalaki na kapatid ng miyembro ng Presidential Security Group (PSG) matapos na ito ay barilin ng isang dating miyembro ng Phil.Navy habang nakatayo kahapon ng madaling araw sa Apitong St., Kahilum 1, Pandacan, Maynila.
Ang nasawi ay kinilalang si Luis Puno, residente ng no. 1748 Kahilum 1, Pandacan na kapatid ng isang Louie Puno, 46-anyos, miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na nakatalaga sa Bureau of Fire Protection sa loob ng Malacañang Park.
Ang suspek na naaresto ng kapatid ng biktima ay kinilalang si Eligio Muyco, 38, dating miyembro Philippine Navy na nasibak sa serbisyo noong 2008.
Batay sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw ay nakatayo ang biktima sa nasabing lugar nang ito ay lapitan ng suspek at binaril sa sikmura.
Nang tumumba ang biktima at tumakas ay tiyempo namang nakasalubong ni Louie ang mga suspek at hinabol ito hanggang sa maaresto si Muyco habang ang isang kasama nito na nakilalang si Rowel Lagamia ng 24 Doña Aurora, Parang, Marikina City ay naaresto sa isang follow-up operation.