MANILA, Philippines - Isang 53-anyos na lalaki ang nadakip ng mga otoridad sa isinagawang pagsalakay sa bahay nito na kung saan ay nasamsam ang P1 milyong halaga ng shabu sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Ang suspek ay kinilalang si Odelon “Dadi” Mariano, may-asawa, nakatira sa Purok 2-B, Brgy.Anahaw ng nasabing bayan.
Nakumpiska ng mga otoridad ang nasa 274.1096 gramo ng shabu, drug paraphernalias at P36,300.00 cash money na pinaghihinalaang pinagbentahan ng droga.
Sa ulat ni P/ Supt. Geoffrey Fernandez, Labo Chief of Police, dakong alas-2:00 ng hapon nang isilbi ng mga otoridad ang search warrant na inisyu ni Judge Arnel Dating ng RTC Branch 41-Daet sa suspek na kinasuhan ng paglabag sa Section 11 (possession of dangerous drugs), Article II of Republic Act 9165 at walang nirekomendang piyansa.