MANILA, Philippines - Tipunin ang National Security Council (NSC) upang tantyahin ang sitwasyong pang-kapayapaan at seguridad ng bansa at alamin ang mga tamang hakbang bunsod ng sunud-sunod na bakbakan sa Mindanao.
Ito ang naging panawagan kahapon si Vice President Jejomar Binay kay Pangulong Benigno Aquino III dahil sa posibleng pagpupulong ng NSC ay maaaring i-assess ang kasalukuyang “peace and order at security situation” sa bansa at makagawa rin ng mga mekanismo para makapaghanda ang mga alagad ng batas at armed forces na tumugon nang mabilis sa anumang banta at kaguluhan.
Binigyang-diin ni Binay na matapos ang sunud-sunod na insidente ng karahasan sa Mindanao, mahalaga na makapaghanda ang pamahalaan sa posibilidad na susunod na mangyayari sa hinaharap.
“The NSC meeting will provide our security forces the framework to act, keeping in mind that our ultimate goal is to ensure stability and pursue peace in Mindanao,” ani Binay.
Ang NSC ay binubuo ng Pangulo, Bise Presidente, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, director ng National Security Council, ang executive secretary, at mga kalihim ng Departments of Foreign Affairs, National Defense, Interior and Local Government, Justice at Labor and Employment.
Idinagdag pa ni Binay na matapos ang bigong police raid sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) ay muling nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Moro islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters noong Sabado at dito ay nasa mahigit 15,000 residente sa Kabasalan, Barongis, Buliok, Bago Inged, Bulol at Rajamuda sa Pikit, North Cotabato at Kalbugan at Buliok sa Pagalungan, Maguindanao ang nagsilikas at iniwan ang kanilang tahanan dahil sa bakbakan.