MANILA, Philippines - Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang pulis matapos na ito ay pagbabarilin ng angkas ng motorsiklo na kung saan isang sibilyan ang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala naganap kahapon ng umaga sa Imus City, Cavite.
Kinilala ni Cavite Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Jonel Estomo ang nasawing biktima na si PO3 Renato Ameng, nakatalaga sa Cavite Police Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
Isinugod naman sa pagamutan ang biktimang si Gemma Cruz na aksidenteng tinamaan ng ligaw na bala sa insidente.
Base sa ulat, bago naganap ang pamamaril sa biktima dakong alas-8:20 ng umaga sa Paliko Street sa panulukan ng Brgy. Paliko at General Aguinaldo Highway ay nagsasagawa ng surveillance operation sa lugar si Ameng lulan ng kaniyang Honda Civic Sedan.
Pabalik na ito sa istasyon nang tambangan at biglang sumulpot ang motorcycle riding in tandem at walang kaabog-abog na pinagbabaril ito ng angkas.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Naisugod pa sa Imus Medical Center, subalit binawian din ito ng buhay.
Sisiyasatin naman ang kuha ng CCTV sa lugar na posibleng nakahagip sa insidente.