MANILA, Philippines – Isang petisyon ang isinampa sa Supreme Court na humihiling ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction laban sa recall election bid kay Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron.
Ayon sa petisyon, labis na umabuso sa poder ang Commission on Elections (Comelec) nang aprubahan ang petisyon para sa recall election kahit marami itong depekto.
Ayon kay Atty. Teddy Rigoroso, umabuso ang Comelec nang aprubahan ang recall election kahit prematurely filed ang petisyon at nabigong magkaroon ng independent assessment at evaluation kung sapat ba ang recall election sa pagtanggap kaagad sa findings ng election officer.
“Bakit inaprubahan kaagad ang recall election gayung nagrereklamo ang mga nagsilagda sa signature sheets na ginoyo umano sila at hindi ipinabatid sa kanila na petisyon iyon para i-recall si Mayor Bayron,” diin ni Rigoroso.
“Nabigo rin ang Comelec sa tamang rule na ang required percentage ng mga nagsilagda sa recall petition ay dapat nakabase sa registered voters at hindi sa bilang ng voting population.”
Magugunita na noong Marso 17, 2014, isang Alroben Goh ang nagsampa ng recall petition laban kay Bayron sa election officer ng Puerto Princesa City sa simpleng kawalang tiwala sa alkalde.