Tsuper tinodas dahil sa kalapati

MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng umano’y notoryus na holdaper ang isang tricycle driver nang tumanggi ang biktima na ibigay ang alaga nitong dalawang pangarerang kalapati, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

 Dead-on-the-spot dahil sa tama ng bala sa ulo ang biktimang nakilalang si Allan Sevillano, 32, ng Sitio Tibagan, Regalado Avenue, Quezon City.  Nakatakas naman ang suspek na nakilala lamang sa alyas na ­  “Ateng”, miyembro umano ng notoryus na grupong “Panoy group”, na sangkot sa mga insidente ng panghoholdap, iligal na droga at carnapping.

 Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-3 ng hapon sa may Phase 2 Package 1 Brgy. Bagong Silang, habang ang biktima ay sakay ng motorsiklo  at bitbit ang kanyang dalawang pangarerang kalapati patungo sa bahay ng kanyang kapatid. 

Bigla na lang umanong hinarang ng mga suspek ang biktima at sapilitang kinuha ang mga ibon ngunit nanlaban ang biktima kaya ito binaril. Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.

Show comments