Grinanada sa loob ng police headquarter... Hepe, deputy utas sa ganti ng PO1

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang isang chief of police at ang deputy nito matapos na sila ay masabugan ng granada na inihagis ng isa nilang tauhan na may galit sa kanila habang nagsasalu-salo sa isang birthday celebration kamakalawa ng gabi sa Cabanglasan, Bukidnon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Sr. Inspector Chris Molina, hepe ng Cabangsalan Municipal Police Station (MPS) at Deputy Chief of Police na si Insp. Dexter Garcia.

Pinaghahanap naman ang suspek na si PO1 Gorospe Cairo na sumasailalim sa dismissal proceedings matapos na magpositibo sa drug test  na isinagawa ng kanilang himpilan nitong buwan.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi sa kusina ng Cabanglasan Police Station ay  kumakain ang mga biktima sa isang salu-salo kasama ang kanilang mga tauhan kaugnay ng kaarawan ng isa nilang pulis  nang bigla na lamang naghagis ng dalawang granada si Cairo.

Ang unang granada na sumabog  ay sumapul kay Molina at ang ikalawang granada ay kay Garcia at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagtanim ng galit ang suspek sa dalawang biktima matapos na kastiguhin at  dinisarmahan nang ito ay  magposi­tibo sa random drug test na isinagawa sa nasabing himpilan noong Enero at ipinasalang sa dismissal proceedings.

Show comments