2 patay sa ligaw na bala sa lamay

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay ang dalawang katao kabilang ang isang 3-anyos na batang babae matapos na tamaan ng ligaw na bala sa isang lamayan kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Ang mga nasawi na nagtamo ng tama ng bala sa katawan ay kinilalang sina Lino Buenaflor, 50 at Xyriel Andal, 3, pawang mga taga Kalayaan St., Barangay Ususan ng naturang lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi sa isang  lamayan sa kanto ng Kalayaan at P. Mariano Sts., ng nasabing lugar ay nakikipaglamay si Buenaflor at nag­lalaro naman si Andal nang biglang umalingawngaw ang ilang putok ng baril.

Ilang sandali ay duguang bumagsak ang dalawang biktima kung kaya’t dinala ito sa ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sino ang walang habas na nagpaputok ng baril.

 

Show comments