MANILA, Philippines - Nanawagan si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga mamamayan na maging mapayapa at maging mapagbantay sa mga panawagan upang magbitiw si Pangulong Aquino kaugnay sa pagkamatay ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force nitong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
“Nauunawaan ko ang damdamin ng mamamayan ngunit ang mas kailangan ngayon ay mabatid natin ang katotohanan kaugnay ng pangyayari sa Mamasapano upang maipataw natin ang wastong katarungan sa mga dapat managot sa pagkamatay ng ating mga pulis,” wika ni Pimente.
Idiniin ni Pimentel, tagapangulo ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na hindi tamang solusyon ang pagbibitiw ng Pangulo lalo’t nahaharap ngayon ang bansa sa krisis.
Anya, ginagawa ng gobyerno ang pinakamabuti upang mabatid ang katotohanan kaya’t bigyan ng pagkakataon ang pamahalaan para maiwasto ang anumang pagkakamali.
Nanawagan din si Pimentel na suportahan ang panukalang batas na kabilang siya sa mga sumulat para magtatag ng “Truth Commission” para imbestigahan ang mga tunay na naganap sa Mamasapano.