MANILA, Philippines - Posibleng depresyon sa pagkakalubog sa utang na aabot sa milyong piso kung kaya’t nagawa ng isang mag-asawang Taiwanese national na patayin ang kanilang tatlong tinedyer na anak at pagkatapos ay nagpakamatay din sila sa loob ng kanilang bahay sa San Juan City naganap kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Luis, 50; misis na si Roxanna 53, at kanilang mga anak na sina Amanda, 19; Jeffrey, 14 at John, 12 na pawang may apelyidong Hsieh at residente ng 13 G V 2, Midland Park Manor Condo, Ortigas Avenue, kanto ng Madison St., Barangay Greenhills, San Juan City.
Batay sa ulat, dakong alas-9:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng mag-asawa at ng dalawang anak na lalaki sa master’s bedroom habang ang bangkay naman ni Amanda ay nasa loob ng kanyang kuwarto.
Malaki ang hinala ng pulisya na pinakain muna ng pagkaing may pampatulog ng mag-asawa ang kanilang mga anak, bago tinakluban ng plastic at tape sa kanilang mga mukha upang hindi makahinga at mamatay.
Nang maisagawa ang krimen ay saka nagpakamatay ang mag-asawa sa pamamagitan nang paglalagay ng supot sa kanilang mukha.
Walang nakita na may pumasok sa bahay ng pamilya Hsieh at wala ring anumang sugat sa katawan ang mga biktima.
Dalawang suicide note ang iniwan na inilagay sa tabi ng lababo sa kusina malapit sa kuwarto ng katulong, na si Livina Econia, 21, stay-in, na nagbibigay dito ng instruction na ibigay ang isang liham sa kaibigan nitong si Ama Grace, na isang doktora na kapitbahay rin ng mga biktima, habang ang isa pa ang para sa
administrator ng subdibisyon.
Nabatid na alas-6:30 ng umaga nang matagpuan ng katulong ang sulat ngunit alas-9:00 ng umaga pa niya ito ibinigay sa mga kinauukulan batay na rin sa habilin ng amo.
Nang mabasa ng doktora ang liham ay kinilabutan ito at kaagad na nagtungo sa tahanan at kasama ang katulong at dalawang pulis at kinatok ang kuwarto ng mga biktima.
Nang walang nagbubukas ng pinto ay sila na ang nagbukas at tumambad ang mga bangkay ng mag-anak.
Hinihiling rin ng mga biktima sa suicide note na ipa-cremate na lamang kaagad ang kanilang mga bangkay.
Sa salaysay ng mga katulong sa pulisya na wala naman silang narinig na anumang komosyon mula sa kuwarto ng mga
biktima mula gabi hanggang kahapon ng madaling araw.
Pero, sinabi nito na nagluto umano ang kanilang among babae ng pagkain at binilinan silang huwag itong kainin dahil para ito sa kanilang mga anak.
Batay sa nakalap na impormasyon ng pulisya na may problema sa negosyo ang pamilya na sinasabing may pagkakautang na aabot sa milyong piso ang halaga bagamat kinukumpirma pa nila ito at iniimbestigahan. - Mer Layson-